Speech
of
Undersecretary of Communications Manuel L. Quezon III
At the 55th Nurses Week Celebration and Regional Convention
[Delivered in Virac, Catanduanes on May 14, 2012]
Dumating ho kami rito kahapon. Bumisita sa ilang lugar, at siyempre, kumain. Governor, mukhang mapapabalik kami rito dahil sa masasarap na seafood. Mayroon po akong hinanda na speech, at with your indulgence, babasahin ko po, ngunit meron po akong gustong idagdag.
Salamat po sa Philippine Nurses Association sa imbitasyong maging bahagi ako ng makasaysayang pagtitipong ito. Sa bisa ng Proclamation No. 539 ni Pangulong Carlos P. Garcia, itinakda ang huling linggo ng Oktubre para ipagdiwang ng buong bansa ang Nurses’ Week. Tanda ito ng pagkilala sa malaking kontribusyon ng mga nurse sa ating lipunan. At kaninang umaga, nang naghahanda kami para magmartsa rito, sinabi nga na ginaganap ang mga regional convention bilang paghahanda sa inyong national convention.
Napakaganda po ng mga ganitong uri ng samahan: ang inyong hanay ay nagbibigay-lakas sa mga kasapi niNyong mga nurse; at sa pamamagitan ng Philippine Nurses Association, may paraan kung saan makakapagdamayan kayo sa isa’t isa.
Sa totoo lang, narating ninyo ang inyong estado ngayon dahil sa inyong mabuting katangian bilang Pilipino at sa sakripisyo ng inyong pamilya. Paano ba natin sinisigurong sulit ang sakripisyong ito? May napapala ba tayo sa ating mga pagsisikap?
Mahalaga ang propesyunalismo at pakikipagkapwa-tao sa inyong trabaho. Ang inyong sombrero ay mula sa tradisyon ng pagsusuot ng abito ng mga madre. Sagisag ito na higit sa anumang bagay, at hindi ibig-sabihin nito na hindi kayo ikakasal, dapat mangibabaw ang pagkalinga at kabutihang loob ninyo sa kapwa. Tandaan ninyo na ang mga pasyente ay hindi kasangkapan ng agham. Meron silang pakiramdam. Buhay ang nakataya sa inyong serbisyo.
Hindi nagkakaiba ang larangan ng nurse sa larangan ng mga nagsisilbi sa ating mga kababayan sa pamahalaan.
Ang kaisipan sa medisina ang prinsipyong isinasabuhay natin sa ating mabuting pamamahala. Hindi layunin ng gamot na alamin lang ang sakit ng pasyente, pinapagaling nito ang karamdaman o binabawasan ang sintomas. Sa pagresolba sa mga problema ng bayan, sinisiguro nating pangmatagalan ang ginhawang naidudulot nito sa bawat Pilipino.
Ito ang prinsipyong isinasabuhay ng ating gobyerno sa RNHeals Program. Binibigyan natin ng trabaho ang ating mga nurse at pinapaunlad ang kanilang kakayahan. Naglilingkod tayo sa mas nakakarami upang matulungan silang itaguyod ang marangal at malusog na pamumuhay. Makakaasa naman ang ating mga nurse na nasa likod nila ang ating gobyerno. Mula sa inyong mga pagsasanay hanggang sa pagpapaunlad ng ating mga serbisyong medikal, nakatutok ang ating administrasyon sa inyong mga pangangailangan.
Kaya nga rin po, meron din tayong 4Ps o mas kilala sa Conditional Cash Transfer upang bigyang puhunan para sa kinabukasan ang mahihirap nating kababayan: halimbawa nito, ay ang cash transfer upang makasigurong mananatili sa paaralan ang mga bata; at mapabakuna ang mga sanggol.
Tayo po ay magkaalyado sa ating mga mithiin. Ang kagustuhan nating pareho ay magkaroon ng malusog na lipunan. Bilang mga propesyonal, may kakayahan kayong itaguyod ang inyong mga karapatan at kalayaan. Pero kaakibat nito ang tungkulin ninyong makiisa sa pagtataguyod ng kaayusan at katarungan sa ating bayan. May tungkulin kayo hindi lang sa inyong pasyente, hindi lang sa inyong pamilya, kundi pati na rin sa ating bansa.
Ito ang nakakalimutan ng ilan sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa iba’t ibang sulok ng bansa at sa ibayong dagat. Maaaring epektibo ninyong nagagamit ang inyong kinikita sa serbisyo, pero di ba’t mas magandang siguruhin na ang inyong buwis ay maayos ding nagagamit? Nasa interes nating lahat na makilahok, makialam, at magbigay ng mga solusyon sa mga nakikita nating sintomas ng sakit sa lipunan: corruption, inefficiency, o ang kakulangan ng integridad.
May huling pakiusap din po ako para inyo sa umagang ito. Sabi nga ni Benjamin Franklin: dalawang bagay lang daw ang sigurado sa mundo: death and taxes. Dagdagan po natin ng pangatlo. Sa buhay nating ito, di natin maiiwasan na balang araw, mararanasan nating maging pasyente.
Ang pinakamabisang treatment para sa anumang sakit ay ang pagpapakita ng malasakit.
Para sa sinumang pasyente, hindi lang sakit ang kalaban mo. Limitado rin ang mga kilos mo, at parang inilalayo sa iyo ang mga bagay na dati ay malaya mong nakukuha at nagagawa. Ang apat na sulok ng kwarto na lang ang nagiging mundo at reyalidad mo. Kaya lalong bumibigat ang karamdamang pisikal ng mga pasyente, dahil nakakaapekto ito sa kanilang emosyonal at espiritwal na estado. Ang mga nurse ang inaasahang sumalo sa lahat ng ito. Kaya ang payo ko sa inyo, kahit mga nurse kayo, kailangan niyo ring maging “patient.”
Bilang pagwawakas, nais kong mag-share ng isang bagay bilang historyador na baka hindi pa ninyo napag-isipan. Sa kasaysayan ng ating bansa, kinikilala natin ang kabayanihan nina Melchora Aquino at Josefa Llanes Escoda. Hindi man sila mga professional nurse, bukas-palad silang nag-alay ng lakas, panahon at sakripisyo upang tulungan ang mga kababayan nating sugatan sa digmaan. Ngunit bakit wala pa tayong kinikilalang pambansang bayani na nurse? Hindi po ba’t magandang pagkakataon upang magmula naman sa inyong hanay ang Florence Nightingale ng Pilipinas? Baka puwede po ninyo pag-usapan.
Ito po ‘yung nais kong idagdag: alam niyo po ang kasaysayan ng aking lolo, dumaan po siya sa TB, at talagang depende siya sa mga nurses niya; ang aking ama ay nagkaroon ng aneurysm, at paralyzed siya from the waist down sa huling sampung taon ng kaniyang buhay; ako po ay burn survivor; at ang aking ina ay nasa ospital dahil meron siyang emphysema. Lahat sa amin, siguro, masasabi naming na noon hanggang ngayon, wala kami rito kung hindi dahil sa inyo. At ang utang na loob naming ay hindi pang-karaniwan na utang na loob.
Ngunit hindi lang po kami iyon. Hindi lang si nanay at ‘yung doktor ang unang nakikita ng tao ‘pag pinanganak sila: si nurse. At malamang, ang isa sa huling makikita ng isang tao pagdating ng panahon na patapos na ang kanilang buhay ay si nurse. ‘Pag mainit ang ulo ni doktor o ang iba sa inyo ay doktora, ang sasalo si nurse. Kung mainit ang ulo ng pasiyente, ang sasalo si nurse. At kahit kayo po ay sumasalo sa problema ng inyong mga pasyente, ng inyong mga doktor, sa OR at sa lahat ng lugar kung saan kayo nagtatrabaho, umuuwi po kayo, at nandoon si Junior, humihingi ng allowance. Nag-aalala din kayo sa sariling niyong pamilya at sa kanilang kalusugan.
Ngunit, ‘wag niyo po kalimutan: kahit mainit na ang inyong ulo, kahit pagod na kayo, kahit mababa ang suweldo, kahit kailangan niyong pumunta sa malayong lugar; lahat ng katangian ng Pilipino, lahat ng masasabing mabuti tungkol sa Pilipino ay nakikita sa inyong mukha, sa inyong ngiti, sa inyong pasensya, sa inyong pakikinig, sa alas-tres nang umaga ‘pag walang nakakausap ang inyong pasyente.
Marami na kayong hinarap na pagsubok, at nakita na ninyo ang iba’t ibang uri ng sakit at pagdurusa. Pero hindi pa tapos ang mga hamon sa inyong buhay. Ngunit tiwala akong sa patuloy ninyong pananagutan at pagmamalasakit sa kapwa, abot-kamay ninyo ang tagumpay. Nasa likod ninyo ang milyong milyong mga taong katulad ko, na wala sana dito kung hindi sila natulungan, at pinagaling, ng mga katulad ninyo.
Maraming salamat po.

Comments are closed.