Speech
of
Secretary of Communications Ramon A. Carandang
On the 148th Birth Anniversary of Apolinario Mabini

[Delivered at Tanauan, Batangas on July 22, 2012]

Una po sa lahat, maraming salamat sa inyong imbitasyon. Ikinalulugod kong makasama ang mga kapwa ko Batangueño. Aaminin ko po: hindi ako sanay magsalita ng Filipino, kaya naman nag-ensayo ako. Pero kung tindig at hitsura ang titingnan, di po ba’t mukha naman talaga akong Batangueño?

Kapag nabanggit ang Lungsod ng Tanauan, ang una sigurong naiisip na pangalan ay si Gat Apolinario Mabini—isang bayaning Pilipino, at isa ring Tanaueño. Alam natin ang kuwento niya: kahit may kapansanan, naging aktibo pa rin sa pamahalaan. Nagdesisyon po siya: imbes na manahimik at isipin lang ang sariling kapakanan, pinili pa rin niyang ipaglaban ang kalayaan. Dahil sa kanyang tapang at talino, pinili siyang maging chief adviser ni Pangulong Aguinaldo noong himagsikan. Inilatag din niya ang pundasyong legal sa bagong tatag na Republika.

Kasabay ng selebrasyon natin ng kaniyang kaarawan, inaalala din natin ang kanyang kabayanihan; ang kanyang pagiging inspirasyon at magandang halimbawa, hindi lamang sa mga Tanaueño, hindi lamang sa mga Batangueño, kundi maging sa sambayanang Pilipino.

Proud po ako: wala man akong puntong Batangueño, hindi man ako nakakapagsabi ng “ala eh,” dumadaloy naman sa akin ang dugong Batangueño. Wala na akong hahanapin pa: nandito ang masasarap na suman, kapeng barako, mainit na bulalo, at higit sa lahat, ang magagandang Tanaueño.

Tulad ni Apolinario Mabini, nabigyan ako ng pagkakataong magsilbi sa gobyerno. Bilang dating journalist, mulat ako sa naranasan ng bansa nitong nakaraang dekada: dahil sa korapsyon sa pamahalaan, marami ang nabaon sa kahirapan. Ngayong tumatahak na tayo sa tuwid na daan, tinatapos natin ang baluktot na sistema. Sa pamumuno ni Pangulong Noynoy Aquino, ibinabalik natin ang integridad, pananagutan at mabuting pamamahala. Tapat ang paggamit natin sa kaban ng bayan para sa mga serbisyong panlipunan tulad ng conditional cash transfer, universal healthcare, at pagpapatayo ng paaralan.  Hindi na rin tayo nagbubulag-bulagan sa pang-aabuso ng nasa kapangyarihan.

Maraming salamat po kay Mayor Sonia Torres-Aquino, Vice-Mayor Julius Caesar Platon II at kay Congressman Nelson Collantes sa pakikiisa sa ating pambansang agenda. Sa inyong mabuting pamamahala, ibinigay sa Tanauan ang Seal of Good Housekeeping, at ISO 9001:2008 certification nitong Marso. Congratulations po sa mga panibagong tagumpay na ito.

Nasa likod ninyo ang ating gobyerno sa pagtataguyod ng kaunlaran sa inyong lungsod. Tulad ng laging sinasabi ni Pangulong Aquino: dapat lang bigyan ng gantimpala ang mahusay magtrabaho. Sa patuloy na pag-asenso ng Tanauan, sigurado po ako: natutuwa at ipinagmamalaki kayo ni Gat Apolinario Mabini.

Dalawang taon mula ngayon, ipagdiriwang natin ang 150th birth anniversary ni Mabini. Sa pangunguna ng National Historical Commission of the Philippines, itinutulak natin na ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan dito sa Tanauan, kasama ang ating Mahal na Pangulo, pagdating ng 2014.

Lumalaya na ang ating bansa mula sa kaisipang wang-wang. Ngayon, dahil mas malawak na ang pagkakataon, mas ganado na ang Pilipino na magsikap para sa katuparan ng kanilang pangarap. Sana lagi nating isabuhay ang mabuting halimbawa ni Apolinario Mabini: ang unahin ang kapakanan ng bayan bago ang sarili. Sa pagkakaisa ng Pilipino, maipagtatanggol ang kalayaan at mapapaunlad ang estado.

Kasama ang Tanaueño, tuloy-tuloy na tayo sa pagsusulong ng isang malaya, maginhawa at patas na Pilipinas, na ipapamana natin sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Maligayang pagdiriwang sa ating lahat, at maraming salamat po.

 

Comments are closed.